Binigyang-diin ni Senador Win Gatchalian na mahalagang masolusyunan ng gobyerno ang mga illegal na kalakalan ng sigarilyo at ibang tobacco products dahil maapektuhan nito ang revenue collection ng bansa.
Ito ang kanyang naging pahayag kasunod ng naging pagkumpiska sa mahigit P5.5 bilyon na halaga ng smuggled na sigarilyo sa Iloilo City kung saan pinaniniwalaang galing ito sa Malaysia.
Dahil dito, nanawagan si Gatchalian sa Bureau of Customs (BOC) na higpitan pa ang kampanya kontra smuggling ng mga tobacco products.
Dagdag pa niya, dapat ding maimbestigahang mabuti ng mga alagad ng batas ang naturang kaso dahil na rin sa dami ng kontrabadong nakumpiska.
Anya, bilang mambabatas, hindi niya papahintulutan na maging pugad ng mga kriminal na aktibidad ang bansa.
Matatandaan, bago pa ang nasabing sitwasyon ay naghain na si Gatchalian ng resolusyong naglalayong imbestigahan ang lumalaganap na insidente ng illegal na kalakalan na kinabibilangan ng mga excisable tax tulad ng produktong petrolyo, sigarilyo at alak.