Pre-disaster response, palalakasin ng panukalang “Declaration of State of Imminent Disaster Bill”

Binigyang-diin ni House Committee on Disaster Resilience Chairperson at Dinagat Islands Representative Alan Ecleo ang kahalagahan ng pagpasa sa panukalang batas na magpapalakas sa pre-disaster response ng gobyerno.

Sa pagdinig ng komite sa House Bill 10233 o ang “Declaration of State of Imminent Disaster Act”, sinabi ni Ecleo na inaasahan ang napapanahong deklarasyon ng gobyerno bago pa ang unang bugso ng pag-landfall ng isang bagyo.

Nakasaad sa panukalang batas na kapag nagdeklara ang national government at LGUs ng State of Imminent Disaster, maaari nang ikasa ang “anticipatory actions” upang mapatibay ang kapasidad ng mga komunidad sa panahon ng emergency at maprotektahan ang kanilang mga tahanan at kabuhayan.

Kasama sa anticipatory actions ang mobilization ng inilaang pondo, pag-iimbak ng pagkain at non-food items at iba pang hakbang na nakapaloob sa Disaster Risk Reduction and Management Plans sa national at local level.

Bukod dito, sa sandaling maisabatas ang panukala ay parurusahan ang mga indibidwal o grupong magpapabaya sa tungkulin, pipigil sa pagpasok at distribusyon ng relief goods sa mga lugar na nasa ilalim ng State of Imminent Disaster at pagkakasangkot sa illegal solicitations.

Gayundin ang puwersahang pangungumpiska, pagbili at pagbebenta, misrepresentation, misdelivery at pagpapalit ng relief goods at equipment para sa disaster response.

Punto pa ni Ecleo, base sa karanasan noong manalasa ang Bagyong Odette ay umabot sa 3.56 billion pesos ang pinsala sa imprastraktura at ekonomiya ng maraming lalawigan kabilang ang Dinagat Islands kaya makabubuti ang panukala upang masolusyunan ang “policy gaps”.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *