Panukalang batas para sa deklarasyon ng State of Imminent Disaster, ipinanawagan na ipasa na sa Kamara

Nanawagan si Dinagat Islands Representative Alan Ecleo sa House leadership na suportahan at bilisan na ang pag-apruba sa mga panukalang batas na may kinalaman sa disaster resilience matapos manalasa ang bagyong Carina at pinalakas na hanging habagat sa Metro Manila.

Kabilang na rito ang House Bill 10233 na nagbibigay ng kapangyarihan sa pangulo at local chief executives na magdeklara ng State of Imminent Disaster.

Ayon kay Ecleo, bibigyan nito ng access ang national at local governments sa pondo bago pa man ang deklarasyon ng state of calamity.

Read More:  PH Embassy in Pretoria advises Filipinos to avoid Ebola-affected areas

Isusulong din aniya ng panukalang batas ang institutionalized pre-disaster response mechanisms gaya ng prepositioning ng relief goods at resources, preemptive evacuation at iba pang hakbang sa local level.

Bukod dito, hinikayat ni Ecleo ang mga kapwa kongresista na ipasa na ang House Bill 10422 o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act na magpapalawig sa panahon kung kailan maaaring i-access ng LGUs ang pondo para sa relief, recovery at reconstruction mula dalawa patungong tatlong taon.

Read More:  Senate minority bloc members want Gatchalian as new SP

Paliwanag ng mambabatas, kailangang tiyakin ang emergency food at masisilungan sa panahon ng krisis tulad ng paghagupit ng bagyong Carina.

Kabilang pa sa mga nakabinbing panukala ang pagtatatag ng Calamity Food Banks at mas maraming evacuation centers at ang Price Act na magpapatupad ng freeze sa presyo ng construction materials tuwing may kalamidad.