CAMARINES NORTE – Suspendido ang nagpapatuloy na voter registration para sa May 2025 national and local elections simula July 15 hanggang 19 ng taong kasalukuyan ayon sa Commission on Elections.
Batay sa impormasyong ipinaabot sa Brigada News FM Daet nitong Biyernes, July 12 ni Election Officer III Annelyn Abanes ng Comelec, ito ay dahil sa gagawing Election Registration Board (ERB) hearing sa mga nabanggit na petsa. Alinsunod ito sa Memorandum No 24087 ng Office of the Comelec Secretary.
Sa ERB tinatanggal sa listahan ang mga nakarehistrong botante na yumao na gayundin ang mga deactivated na dahil sa hindi pagboto ng dalawang magkasunod na regular elections. Magre- resume ang voter registration simula sa Lunes, July 22.
Sa datos ng Comelec, nasa 377, 459 ang total number of registered voters sa Camarines Norte kung saan mas marami ang mga babae na nasa 193, 383 kumpara sa mga lalaki na nasa 184, 076. Noong April ERB nasa 28, 052 ang tinanggal sa listahan ng registered voters.
