Supervisors, linemen ng Canoreco isinailalim sa 3- day Emergency Preparedness and Response Training

CAMARINES NORTE- Isinailalim sa 3-Day Emergency Preparedness and Response Training noong nakaraang linggo ang nasa labing dalawang linemen at dalawang supervisor ng Camarines Norte Electric Cooperative.

Ayon sa Canoreco tatlong araw na namalagi at nagsanay ang mga kalahok sa Sanayang Pangkaligtasan sa Sitio Mat-e, Barangay Santo Domingo, sa bayan ng Vinzons kung saan sila tinuruan ng mga kinakailangang kaalaman at tamang pamamaraan kung paano ang pagtugon sa mga biktima ng sakuna o trahedya.

Kasama sa training ang sistematikong pagtataya sa kalagayan ng biktima at ng kapaligiran nito, tamang pagbibigay ng Cardiopulmonary Resuscitation (CPR), paggamit ng Automated External Defibrillator (AED), at kung paano tulungan ang mga nabulunan na bata at matanda.

Tinuruan din ang mga kalahok ng iba’t ibang pamamaraan sa paglapat ng “first aid” sa mga biktima na nagkaroon ng pinsala sa katawan.

Mas pinalawak din ang kaalaman ng mga lineman sa iba’t ibang pamamaraan sa paggamit ng lubid at spine board sa pagtulong at rescue operation.

Bahagi ng training ang pagsasagawa ng emergency mock drill na ang scenario ay may lineman na nakuryente at nawalan ng malay habang nasa isang poste upang masiguro na may natutunan ang mga kalahok.

Natupad ang training sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Occupational Health and Safety Committee (OSHC) at ng Human Resource & Administration Division (HRAD) ng CANORECO sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at sa Bureau of Fire Protection (BFP).

PHOTO COURTESY: CANORECO

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *