CAMARINES NORTE- Pinawi ng Department of Health ang pangamba ng mga taga Camarines Norte sa kinatatakutan ngayong sakit na Hand, Foot, and Mouth Disease (HMFD).
Sa gitna na rin ito ng patuloy na pagtaas ng mga naitatalang kaso sa ibang lalawigan sa Bicol.
Sa pakikipag ugnayan ng Brigada News FM Daet kay DOH Provincial Officer Dr. Jocelyn Iraola, sinabi nito na apat lamang ang mga naitalang kaso ng HMFD sa lalawigan at hindi na ito nadagdagan pa simula noong Abril.
Aniya, agad na na- contain ang hawaan nito dahil sa mga measures na ipinatupad ng DOH at ng Provincial Health Office (PHO).
Sa ngayon ay wala na umanong nairereport sa kanila na bagong kaso ang Provincial Epidemiology and Surveillance Unit ng PHO.
Ang HFMD ay isang viral illness pero ang higit na tinamataan ay ang mga bata.
Nakukuha ito mula sa direct contact sa droplets na may virus mula sa infected na pasyente.
Ang kadalasan na ang sintomas nito ay lagnat, pananakit ng lalamunan, pagkawala ng ganang kumain, mga pantal sa kamay at palad, talampakan ng mga paa, at maselang bahagi ng katawan.
Kung magpapakita ng ganitong sintomas ay dapat ma- isolate agad ang pasyente at komunsulta sa doktor o pinakamalapit na health center.
Paalala pa ng DOH na ugaliing mag-hugas ng kamay at paa, takpan ang ilong at bibig sa tuwing babahing upang maiwasan na makapanghawa o mahawaan.
Malaki rin ang maitutulong ng face mask sa pag-iwas sa sakit na HMFD.
