Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukalang batas na layong gawing legal ang paggamit ng marijuana bilang medical treatment.
Sa botong 177 affirmative, 9 negative at 9 abstentions ay tuluyan nang naipasa ang House Bill 10439 o Access to Medical Cannabis Act.
Nakapaloob sa panukala na pahihintulutan ang paggamit ng marijuana at gagawing accessible sa mga kwalipikadong pasyente habang magtatatag naman ng Medical Cannabis Office bilang regulatory body.
Ayon kay Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers, ang layunin ng panukalang batas ay gawing available ang marijuana sa mga pasyente tulad ng pharmaceutical products.
Ngunit nilinaw ni Barbers na hindi ito magsisilbing daan o gateway tungo sa pang-aabuso sa marijuana dahil mananatili ito sa listahan ng “dangerous” at “illegal” drugs.
Bukod dito, kailangan na may prescription at supervision ng accredited physician para sa pasyenteng may malubhang medical condition o sintomas.
Magtatakda naman ng regulasyon para sa pagtatanim, pag-manufacture at distribusyon ng medical cannabis para sa medical at research purposes pati na sa prescription at pagbibigay sa pasyente.