BICOL—Nanawagan si Guinobatan, Albay Mayor Ann Gemma Ongjoco sa kanyang mga kababayan na huwag nang mamili ng bakunang ituturok sa kanila.
Sa gitna ito ng tumataas na kaso ng COVID-19 at kakulangan pa sa suplay ng bakunang dumarating.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi pinayuhan ng alkalde ang mga kababayan na oras na mayroon nang abilableng bakuna at may pagkakataon na rin para makapagpaturok ay huwag nang pipili ng brand lalo na kung hindi naman lalabas ng bansa.
Anya, ipaubaya na lamang sa mga OFW at seafarers ang mga bakunang gaya ng Pfizer at Moderna dahil may mga bansang nagrerequire ng brand ng COVID-19 vaccine para sa mga dayuhang papasok o magtatrabaho sa kanilang bansa.
Maging siya umano ay Sinovac ang ibinakuna sa kanya bagamat laging expose sa labas bilang bahagi ng trabaho. Ang mahalaga umano ay mayroong dagdag na proteksyon laban sa nakamamatay na virus.
Nanawagan din ito ng dagdag na disiplina sa lahat upang makontrol ang hawaan ng sakit lalo pa anya at hirap na rin ang mga health workers sa monitoring sa mga quarantine facilities at pagbabakuna maliban pa sa kanilang regular na trabaho.
Pinayuhan din nito ang mga magulang na maging responsible at huwag hayaang pagala-gala sa labas ang kanilang mga anak.### || slm, with reports from BNFM Legazpi