LEGAZPI CITY – Takot ang naramdaman ng isang empleyado ng isang lending company matapos maholdap sa P- 5 A, Brgy. Mauraro sa bayan ng Guinobatan Albay.
Kinilala ang biktima na si Ronald Villanueva Relos, 28-anyos, isang account officer ng One Puhunan Lending.
Ayon sa report, isang concerned citizen ang nagpaabot ng impormasyon sa Guinobatan MPS na ang nasabing biktima ay humihingi ng tulong sa pulisya dahil siya ay hinoldap sa nasabing lugar.
Agad naming rumesponde ang mga tauhan ng Guinobatan MPS sa lugar.
Napag-alaman sa isinagawang imbestigasyon na bandang alas-2:15 ng hapon, habang nangongolekta ng bayad ang biktima sa bahay ng isang nagngangalang Elena N. Julia sa nabanggit na lugar, dalawang hindi pa nakikilalang lalaking armado ng kalibre 45 na pistola, nakasuot ng pulang mahabang manggas na may tube mask ang nagtanong sa biktima na agad niya naming sinagot.
Bigla umanong nagulat ang biktima nang bumunot ito ng baril at itinutok sa ulo, pagkatapos ay nagdeklara ng hold-up.
Tinangay ng suspek ang mamahaling cellphone na nagkakahalaga ng walonglibong piso at perang nagkakahalaga ng tatlumpunglibong piso.
Mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng Brgy. Mapaco ng nasabing bayan.
Inamin din ng biktima na nakarinig siya ng putok ng baril matapos umalis ang mga suspek sa nasabing lugar.
Narekober naman mula sa lugar ng insidente ang isang fired cartridge.
Sa ngayon ay nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga tauhan ng nasabing himpilan para sa posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek.
Naghahanap na rin ang mga otoridad ng operation at PCR ng mga CCTV Camera na posibleng nakunan ang insidente at nagsagawa ng dialogue o pag-uusap sa mga residente ng nasabing lugar.
Dagdag pa nito, patuloy na naghahanap ang pulisya ng mga posibleng saksi at tumuloy sa isang kalapit na tindahan at mga lugar kung saan posibleng ibenta ang mga ninakaw na bagay.
Ang narekober na fired cartridge ay isasailalim sa ballistic examination sa RFU5 Camp Ola, Legazpi City.