Aminado ang Philippine National Police na isang malaking hamon ang pagkakaroon ng resources ni suspended Mayor Alice Guo sa pagpapatuloy ng paghahanap sa kanya.
Sa kabila nito, sinabi ni PNP Public Information Office Chief Col. Jean Fajardo, hindi sila tumitigil na mahanap si Guo at maisilbi ang warrant of arrest na inisyu ng Senado laban sa kanya dahil sa hindi pagdalo sa pagdinig kaugnay ng illegal POGO.
Naiintindihan din aniya ng PNP ang “frustration” ng mga mambabatas pero pagtitiyak niya, mabigat man ang hamong ito, ginagawa ng pulisya ang lahat katuwang ang iba pang law enforcement agencies upang matunton si Guo
Hiningi na rin ni Fajardo ang tulong ng publiko na agad ipagbigay alam sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya kung mayroon silang impormasyon na makakapagturo sa kinaroroonan ng suspended Mayor.