May aasahan pa ring ayuda ang mga mahihirap na Pilipino sa susunod na taon.
Ayon kay Department of Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman, may inilaan ang gobyerno na 253.3 billion pesos para sa mga ayuda programs ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Malaking bahagi rito ay mapupunta sa mga programa ng Department of Social Welfare and Development na may proposed budget na 205.5 billion pesos.
Ang 4Ps o Pantawid Pamilya Pilipino Program ay merong 114.1 billion pesos, 49.8 billion naman ang inilaan para sa social pension ng mga senior citizens at centenarians.
May hinihingi rin na 35.1 billion pesos na pondo para sa mga protective services ng DSWD.
4.4 billion rin ang inilaan para sa sustainable livelihood program ng ahensya, habang ang Food Stamp program ay merong 1.8 billion pesos.
Maliban sa DSWD, kabilang rin sa may pondo para sa assistance ang Department of Health sa ilalim ng Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients Program o MAIPP na nagkakahalaga ng 26 billion pesos, habang ang cancer assistance fund ay nasa 1.250 billion.
Ang TUPAD program ng DOLE ay pinaglaanan rin ng 14.1 billion pesos.
Habang itutuloy rin ng Department of Transportation ang fuel subsidy sa transport sector na pinaglaanan ng 2.5 billion.
Tuloy din ang fuel subsidy ng DA sa mga mangingisda at magsasaka na parehong may tig-50 million.
Ayon kay Pangandaman, ang mga naturang ayuda programs ay nakikitang paraan ng pamahalaan upang maibsan ang epekto ng inflation sa bansa.