Wala umanong basehan ang sinasabing sabwatan sa Kamara upang tanggalin ang confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education sa ilalim ng 2024 proposed national budget.

Ayon kay ACT Teachers Party-list Representative France Castro, imahinasyon lang ng mga tagapagtanggol ni Vice President Sara Duterte ang pagsasabwatan nila ni House Speaker Martin Romualdez.
Bago pa man ang 19th Congress ay nakaugalian na aniya ng Makabayan Bloc na punahin ang confidential funds, lump sum at uri ng pork barrel sa pondo ng gobyerno may suporta man ng Kongreso o wala.
Paliwanag ni Castro, maaaring nakita ng liderato ng Kamara na talagang may punto ang Makabayan solons na dapat nang i-abolish o i-realign ang confidential funds sa mga ahensyang higit na nangangailangan.
Samantala, sa isa namang hiwalay na pahayag ay muling bumuwelta si Davao City Representative Paolo Duterte kay Castro at iginiit na sana ay ma-sensationalize din nito ang pagprotekta sa mga magsasaka at inosenteng biktima na pinatay ng New People’s Army tulad ng pagbibigay-pansin sa umano’y pagbabanta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa buhay ng kongresista.
Natural lamang umano na ipagtanggol ni Duterte ang kanyang ama at buong pamilya.