Inihain ni Quezon City Representative Arjo Atayde ang panukalang batas na layong kontrolin ang paggamit ng artificial intelligence o AI sa mga kumpanya.
Batay sa House Bill 9448, nais ni Atayde na protektahan ang job security ng mga empleyado partikular sa administrative o operational tasks sa workplaces.
Nakasaad dito na maaaring i-adopt ng employers ang AI na mapakikinabangan sa trabaho bilang administrative tool o integrated at complementary part sa proseso ng bawat gawain.
Ngunit dapat itong gamitin nang may legal compliance sa pamamagitan ng AI governance policy na sasaklaw sa guidelines patungkol sa adoption at usage, collection at data storage.
Hinihimok din ang mga kumpanya at recruitment entities na iwasan ang paggamit sa AI at automated systems bilang pangunahing basehan sa pag-hire o pagsibak sa mga empleyado.
Ipinaliwanag ni Atayde na nagkakaroon ng pangamba na ang paggamit sa AI ay magreresulta sa pagkatanggal sa trabaho ng mga manggagawa dahil sa posibilidad na mapalitan na sila ng teknolohiya.
Kailangan aniya ng “multi-faceted approach” sa polisiya ng gobyerno sa pagtugon at pagtataguyod sa kung paano matutulungan ang mga manggagawa at hindi para palitan.
Dagdag pa ng kongresista, kung gagamitin ang AI sa pagsasagawa ng evaluations at performance assessments, dapat ipagbigay-alam ito ng employer sa mga kawani upang matiyak ang transparency.
Bukod dito, ipagbabawal ang paggamit ng AI at automation technology na mauuwi sa pagkawala ng security of tenure at pagkaltas ng sahod o benepisyo maliban na lang kung may katumbas na alternatibong employment opportunity para sa maaapektuhan.
Sakaling magpatupad ng retrenchment ang kumpanya dahil sa pagkalugi, maaaring gamitin ang AI para sa operational purposes nang may approval ng DOLE at may sapat na dahilan at hakbang.