Inihain ni Cagayan De Oro City Representative Lordan Suan ang isang panukalang batas na mag-aatas sa e-wallet providers at electronic fund transfer service providers na alisin na ang pagpapataw ng fees sa mga transaksyong maliit lamang ang halaga.
Batay sa House Bill 9749, hindi na papatawan ng fees ang mga transaksyong hindi lalampas sa dalawang libong piso.
Saklaw ng panukala ni Suan ang pagpapadala ng pera sa isang user, paglilipat ng pera sa bank account at maging ang pag-ca-cash out at cash-in sa e-wallet account.
May kapangyarihan ang Bangko Sentral ng Pilipinas na i-adjust ang halaga ng small-value transactions at ang daily cumulative limit depende sa daily cost of living na tutukuyin ng DOLE, exchange rate at inflation rate.
Ipinaliwanag ng kongresista na ang ipinapataw na fees ay nagpapahirap sa mga indibidwal na may maliit na kita at nalilimitahan ang kanilang full participation sa digital economy.
Sa pamamagitan nito ay maisusulong umano ang digital inclusion at mahihimok ang mas malawak na paggamit ng e-wallets sa low-income individuals at mga Pilipinong walang bangko.