Nilinaw ni Prosecutor General Benedicto Malcontento na walang epekto sa mga drug charges laban kay Senadora Leila de Lima ang ginawang pag-kambyo ng self-confessed drug lord Kerwin Espinosa sa kanyang testimonya.
Ayon kay Malcontento, wala raw silbi sa prosekyusyon ang ginawang recantation ni Espinosa at hindi ito makaaapekto sa mga pending cases laban sa Senadora.
Paliwanag nito, unang-una raw ay hindi naman opisyal na testigo si Espinosa ng mga prosecutors at hindi rin ito covered ng Witness Protection Program ng Justice Department.
Dagdag pa ni Malcontento, wala raw silang pakialam kung anong klaseng depensa ang mayroon ang self-confessed drug lord at hindi dahilan ang recantation nito para humina ang kanilang dalawang kaso laban sa mambabatas.

Aniya, ‘self-preservation’ ang ginawa ni Espinosa at posible raw na nagpadala lang ito sa impact ng media.
Matatandaaang naghain ng counter-affidavit si Espinosa at sinabing hindi totoo ang kanyang unang testimonya, at resulta lang ito ng pressure, coercion, intimidation, at serious threats mula sa mga pulis na nag-utos sa kanya na idiin ang senadora sa kaso.
Batay pa sa pahayag nito, wala rin siyang choice kundi gumawa-gawa ng storya, dahil sa takot para sa kanyang buhay, maging sa buhay ng kanyang pamilya kasunod ng pagkamatay ng kanyang ama, 18 araw bago ang Senate hearing.
#