Welcome development kung ituring ng kampo ni Senadora Leila de Lima ang ginawang pagkambyo ni Kerwin Espinosa sa mga testimonya nito para idiin ang Senadora sa mga kasong may kinalaman sa iligal na droga.
Sa isang panayam, sinabi ng abugado ni de Lima na si Atty. Dino de Leon na masaya sila’t nanggaling na mismo kay Espinosa ang katotohanang inosente talaga ang mambabatas.
Aniya, bagamat nalulungkot sila dahil inabot pa ng limang taon bago umamin ang self-confessed drug lord, unti unti na raw nilang nakikita ang liwanag para lumabas ang totoo.

Pinatawad na umano ni de Lima si Espinosa lalo na’t pawang ‘pawn’ lamang daw ito ng mga nais magpakulong sa kanya.
Sa kabila nito, pursigido ang kampo ni de Lima na kasuhan ang mga nasa likod na umano’y pag-frame sa senadora.
Sa huli, sinabi ni de Leon na naniniwala ito na mayroong ‘crucial role’ si Espinosa para makita ang ‘bigger picture’ ng kaso.
Dahil diyan ay kinokonsidera nila na gawing testigo si Espinosa para mapatunayan ang umano’y political persecution ng Senadora.
#