LEGAZPI CITY – Inihayag ng Department of Agrarian Reform (DAR) Bicol na malaking tulong ang kalalagda pa lamang na New Agrarian Emancipation Act para sa mga magsasaka na miyembro ng Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs).
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Rodrigo Realubit ng nasabing ahensya, sinabi niya na sa pamamagitan ng batas na ito mababayaran na lahat ng mga principal loans, interests, amortizations at iba pa ng mga ARBs.
Isa umano itong pangunahing pangyayari sa bansa kung saan aabot sa PHP58B halaga ng utang ang hindi na babayaran ng mga nasabing magsasaka.
Ayon kay Realubit, PHP14B ang agad-agad na mababayaran habang ang natitirang nasa halos PHP45B ay ilalaan para sa iba pang mga babayaran, kung saan magpapalabas ng implementing rules and guidelines ang DAR at Landbank of the Philippines upang isa-isahin ang aktwal na babayaran pa ng mga magsasaka.
Sa datos ng ahensya, sa Bicol Region, umaabot sa 72,288 na mga ARBs ang makikinabang sa batas na ito na mayroong aabot sa 200,000 hectares na lupang apektado.
Sa buong bansa naman, ayon kay Realubit, aabot sa humigit-kumulang 600,000 na mga magsasaka ang makikinabang sa nasabing batas.
Magiging malaking ginhawa umano para sa mga magsasaka ang batas na ito dahil sa halip na ang kanilang pera ay ibayad sa mga penalties, surcharges o interests, gamitin na lamang nila para sa pagpapaayos ng kanilang sakahan, o sa iba pang mga bagay.