Nailipat na sa pwesto ng Philippine National Police ang nasa 1, 308 na mga pulis na may mga kaanak na tatakbo sa halalan sa 2025.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief BGen. Jean Fajaredo, batay sa isinagawang imbentaryo ng Directorate for Personnel and Record Management, umabot sa kabuuang 1, 586 PNP personnel ang maililipat sa pwesto.
Ang nasa 1, 300 na mga pulis ang naunang nabigyan ng relief orders habang ang natitirang mahigit sa 200 ay makakatanggap ng kanilang orders ngayong araw hanggang sa susunod na linggo.
Kabilang sa mga na-reassign ay mga pulis na may kamag-anak hanggang sa 4th degree of consanguinity or affinity.
Pinakamarami sa nailipat ay mula sa Polcie Regional Office Cordillera sa 180, sumunod ang Police Regional Office IX sa 144, 122 sa Police Regional Office Bangsamoro at Police Regional Office 6 na may 118 na mga pulis.
Layunin ng reassignment na maiwasang maimpluwensiyahan ang resulta ng eleksyon lalo pa’t nauna ng sinabi ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil na walang pulis ang dapat masangkot sa partisan politics.
Nagbabala naman si Fajardo na maaaring maharap sa dismissal ang mga hindi tatalima sa kautusan.