Mga foreign-controlled applications gaya ng TikTok – gustong ipa-ban sa Pilipinas

Isinusulong ni Manila 6th District Representative Bienvenido Abante ang isang panukalang batas na layong i-ban ang TikTok at iba pang foreign adversary-controlled applications.

Batay sa House Bill 10489, ipinunto ni Abante na sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China ay dapat nang kumilos ang gobyerno at protektahan ang mamamayan mula sa manipulasyon at misinformation campaigns gamit ang social media.

Binanggit nito na ang TikTok na may halos limampung milyong active users sa Pilipinas ay isang halimbawa ng dapat ipagbawal dahil sa relasyon nito sa kumpanyang ByteDance, na konektado umano sa Chinese Communist Party at Chinese government.

Nakapaloob sa panukala na ang app stores at internet hosting services ay pagbabawalan na pahintulutan ang distribution, maintenance o pag-update ng foreign adversary controlled application.

Tinukoy sa Section 2 ng panukalang batas na ang foreign adversary controlled application ay isang website, desktop o mobile application at immersive technology application na ang operasyon ay sakop ng kumpanyang kontrolado ng foreign adversary.

Ito rin ay tutukuyin ng pangulo ng Pilipinas na may banta sa pambansang seguridad.

Hindi kasama sa ire-regulate ang content ng speech at ang mga probisyon ay nakatutok sa national security threats at sa ownership ng foreign adversary sa isang aplikasyon.

Dagdag pa ni Abante, nangongolekta ng personal data ang TikTok mula sa users at subscribers na nakakaalarma dahil madali itong maipapasa sa Chinese government.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *