EJK at human rights abuses hanggang sa panahon ni PBBM, pinaiimbestigahan ng dating presidential son sa Kamara

Hinimok ni Davao City Representative Paolo Duterte ang Kongreso na magkasa ng malawakang imbestigasyon ukol sa tunay na sitwasyon ng extrajudicial killings at pang-aabuso sa karapatang pantao sa bansa.

Batay sa House Resolution Number 1745, nais ni Duterte na isama sa imbestigasyon ang mga nangyaring EJK at human rights abuses sa nakalipas na dalawampu’t limang taon hanggang sa kasalukuyan.

Inapela ng kongresista na mapabilang sa pagsisiyasat ang mga partikular na lugar na nasangkot o may mga naging kaso ng EJK at pang-aabuso.

Binigyang-diin nito na marapat lamang na silipin ng Kamara at busisiin ang mga sirkumstansya sa likod ng mga insidente ng EJK hindi lamang sa Davao.

Base umano sa mga mapagkakatiwalaang ulat kabilang ang US Department of State at Amnesty International, nananatiling seryoso ang problema ng EJK sa Pilipinas at marami sa mga kasong may kinalaman sa droga ay tumaas noong 2023 o sa panahon ni Pangulong Bongbong Marcos.

Binanggit pa ni Duterte na sa ulat mula sa Philippine National Police, DILG at iba pang law enforcement agencies, pinakamarami ang naitalang kaso ng EJK at human rights violations sa lungsod ng Maynila, Quezon City at Cebu.

Idinagdag ni Duterte na mahalaga ang inquiry in aid of legislation upang i-evaluate ang mga umiiral na batas, rules at regulations na nagtataguyod sa mga ginagarantiya ng Konstitusyon laban sa anumang uri ng paglabag sa karapatang pantao.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *