CAMARINES SUR – Mahigit 100 indibidwal at 27 pamilya na ang nananatiling stranded sa Pasacao Port dahil sa sama ng panahon at kanseladong biyahe simula pa noong Lunes, Hulyo 22, 2024.
Sa panayam ng Brigada News FM Naga kay Edmer Miravalles, head ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Pasacao, Camarines Sur, base sa pinakahuli nilang monitoring, 60 indibidwal ang nasa Port Management Unit habang nasa 45 naman ang nasa evacuation center ng bus terminal. Napag-alaman na karamihan sa mga ito ay residente ng San Pascual, Burias, Masbate na papauwi na sana sa isla ngunit inabutan na ng sama ng panahon. Nasa maayos na kalagayan naman ang mga pasahero ngunit inamin naman ng opisyal na maaari silang makaranas ng abala dahil maliit lang naman ang espasyong naibigay ng pantalan.
May iilan din na nakituloy muna sa mga kaanak nila sa nasabing bayan. Mayroon ding nagcheck-in muna sa hotel. Inaasahan nilang dadami pa ito sa mga susunod na araw lalo na ang pagdagsa ng mga pasaherong mula sa Manila pauwi ng Masbate. Patuloy pa rin ang pagbibigay ng tulong ng lokal na pamahalaan ng Pasacao ngunit kung tumagal pa ng ilang araw ang sama ng panahon, maaaring kulangin na rin ang kanilang budget para sa pagkain ng mga stranded passengers.