DICT, target na iangat pa ang internet connectivity sa bansa

Target ng Department of Information and Communications Technology o DICT na maging rank number 3 pagdating sa internet connectivity sa buong South East Asia.

Sinabi ito ni DICT Secretary Ivan John Uy sa Build Better More Infrastructure Forum sa New Clark City.

Ayon kay Uy, nasa pang anim na pwesto na ngayon ang Pilipinas sa internet penetration sa buong South East Asia, mula sa dating pang ika-syam na pwesto.

Kasabay nito binigyang diin ng kalihim ang kahalagahan ng patuloy na pamumuhunan sa pagpapabuti ng internet connectivity ng Pilipinas upang manatiling competitive at makasabay sa mga karatig-bansa.

Maaalalang inaprobahan kamakailan ni Pangulong Bongbong Marcos ang Philippine Digital Infrastructure Project oo PDIP na nagkakahalaga ng USD288.

Sa kasalukuyan meron nang 13,462 free Wi-Fi sites sa 1,401 cities at municipalities sa iba’t ibang bahagi ng bansa kabilang ang 3,040 Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAs).

Nasa 9.8 million Filipinos ang naka benepisyo sa Free Public Internet program ng DICT, kung saan target pa ng ahensya ang 125,000 free Wi-Fi sites nationwide sa taong 2028.