CNWD hindi umano kuntento sa performance ng Primewater, GM Garing nangakong magbibitiw sa pwesto kapag naisaayos na ang serbisyong patubig

CAMARINES NORTE- Aminado si Camarines Norte Water District (CNWD) General Manager Onofre Garing Jr. na hindi ito kuntento sa performance ngayon ng Primewater sa gitna ng kaliwa’t- kanang reklamo ng mga kunsumidores hinggil sa hindi magandang serbisyo ng huli.

Tugon ito ni GM Garing matapos matanong hinggil sa kaniyang assessment sa performance ng Primewater sa isinagawang Water Information Exchange nitong Miyerkules na dinaluhan ng local media.

Sa katunayan ay binigyan pa ng bagsak na grado ng opisyal ang Primewater at pinanindigan ang kaniyang sinabi sa mga nauna pang Press Conference.

Nang pumasok umano siya sa CNWD noong 2019 ay nadatnan niya ang samo’t saring problema lalo na ang kakulangan ng source ng tubig.

Hangad umano nito na masolusyunan ng Primewater ang problema sa tubig at sa sandaling mangyari ito ay magbibitiw na umano siya sa pwesto bilang General Manager ng CNWD.

Ang CNWD ang nagsisilbing Contract Monitoring Unit (CMU) sa Joint Venture Agreement (JVA) na pinasok nito at ng Villar owned company noong 2015.

Natanong din si Garing hinggil sa posibilidad nang pagpapawalang bisa sa JVA at ibalik na lang uli sa CNWD ang pamamahala sa serbisyong patubig

Aniya, kung mangyayari  ito ay mas maganda dahil magagawa umano niya ang mga gusto niyang gawin.

Noong mag courtesy call ang mga opisyal ng CNWD at Primewater kay Governor Dong Padilla kamakailan ay humirit ang huli na tanggalin na ang minimum billing policy lalo’t marami pang mga lugar sa lalawigan ang hindi maayos ang serbisyong patubig.

Kung hindi raw mangyayari ito ay pupursighin ng Gobernador na maibalik sa CNWD ang pamamahala sa serbisyong patubig tulad ng pagnanais ng karamihan.

Ayon kay Garing, sang ayon siya sa pagtanggal ng minimum billing policy pero ayaw umano niyang pangunahan ang Board of Directors na siyang mag- uusap hinggil sa bagay na ito.

Ayon naman kay Primewater General Manager Mark Anthony Muroda, dinatnan na umano nila ang polisiyang ito.

Nakapaloob umano ito sa Presidential Decree 198 at ito ay kanilang ipapatupad habang wala pang pagbabago sa naturang polisiya,

Ani Muroda ipinapatupad lang nila kung ano ang nakapaloob sa batas at bahagi ng JVA.

Makakatulong umano ang BOD ng CNWD para suriin ang naturang probisyon ng batas.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *