CAMARINES NORTE- Inilatag ng Primewater ang mga on- going projects na tutugon umano sa matagal nang problema sa suplay ng tubig sa lalawigan ng Camarines Norte.
Sa kaniyang mahigit sampung minutong presentation inisa- isa ni Branch Manager Mark Anthony Muroda ang mga proyekto sa iba’t- ibang bayan.
Sa Labo ay natapos na ang pipe lying ng extension line sa Barangay Dalas at kailangan na lang umanong kumpunihin ang tangke at pump dahil paakyat ang naturang lugar.
Target na mapasinayaan ang proyekto ngayong Agosto upang makapag suplay na ng tubig sa Barangay site.
Nagsasagawa rin ng pipe lying sa may Daet Bridge upang ibalik ang mga tubo na naapektuhan ng widening.
Kapag natapos ang proyekto ay magkakaroon ng karagdagang suplay ng tubig ang LGU Mercedes na problemado ngayon.
Pagkatapos nito ay isa pang component na pwedeng idagdag sa Mercedes ay ang booster system na katulad sa Basud at ang program of works ay nakapaloob na umano sa work plan para sa taong 2023.
Mayroon ding 5 MLD surface water treatment plant sa Matogdon, Labo upang hindi na maulit ang labis na kakulangan sa suplay ng tubig noong 2019.
Ani Muroda mayroon na silang proposal sa tatlong contractors at na- secure na rin ang Environmental Compliance Certificate (ECC) mula sa DENR.
Ang naturang surface water treatment plant ay gagamit ng multi- media filters at clarifiers na target na maisalang sa bidding ngayon ding Agosto upang masimulan na ang proyekto.
Mayroon ding kaparehong proyekto sa Dagotdotan, San Lorenzo Ruiz na siya namang tutugon sa problema sa kawalan ng suplay ng tubig sa Basud, bahagi ng Mercedes at Daet South kapag nagpa-partial operation ang Dagotdotan Filtration Facility bunsod ng malakas na pag ulan.
Target ng Primewater na maging fully operational ito sa 2023.
Mayroon ding pipe lying at interlooping mula sa Daculang Bolo hanggang Laniton na tutugon naman sa problema ng kawalan ng suplay ng tubig sa Basud.
Noong 2017 ay nagkaroon ng booster system sa Pamorangon pero pagkalipas ng limang taon ay hindi na rin sapat ang suplay ng tubig sa naturang bayan dahil sa tumataas na populasyon.
Nag- aagawan pa ng suplay ang Daet South at Basud kaya nais umano ng Primewater na i- divert ang tubig mula Dagotdotan na idadaan sa bypass road upang magkaroon na ng sariling suplay ng tubig sa Basud.
Ang naturang proyekto umano ay handa nang i- bidding at ngayong Agosto ay malalaman na kung sino ang contractor upang bago matapos ang taon ay mabigyan na ng sariling suplay ng tubig sa naturang bayan.
Ang ibang sources naman ay idi- develop para sa buong lalawigan ng Camarines Norte.
Kahapon ay ipinasilip din sa media ang isa pang proyekto ng Primewater, ang Alawihao Shallow wells na sinimulan noong 2021.
Ito ang direktang magbibigay ng tubig sa Daet upang mapanatili ang pressure at suplay sa loob ng 24 oras.
Inilarawan ni Muroda ang proyekto na “exciting” dahil dito umano sa Camarines Norte ang mga pinaka unang surface water development project sa buong Bicol.
Magiging operational umano ito sa Agosto ng susunod na taon batay sa ibinigay na timeline ng CNWD.
