Brgy. Homapon, Legazpi City, magsusumite ng resolusyon sa 2 ahensya ng gobyerno may kinalaman sa matatandang puno na posibleng maging sanhi ng mga aksidente

LEGAZPI CITY – Magsusumite ang Brgy. Homapon, Legazpi City ng isang resolusyon sa susunod nilang sesyon upang tawagin ang pansin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Public Works and Highways (DPWH) ukol sa mga matatandang puno sa kanilang lugar na maaaring magsanhi ng aksidente sa kalsada, kasunod ng nangyari noong Sabado kung saan 4 ang sugatan matapos mabagsakan ng puno ng acacia ang sinasakyang tricyle.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Punong Barangay Adjong Botin, sinabi niya na ayaw na niyang maulit ang nangyari at nais niyang maging ligtas ang lahat ng mga daraan dito.

Aniya, dati nang kinatatakutan sa lugar ang mga matatandang puno ng acacia at mahogany lalo na kung may dumarating na bagyo o masamang panahon.

Panawagan ni Botin sa dalawang nabanggit na ahensya na magkaroon ng koordinasyon ukol sa usaping ito, dahil kung siya lamang umano ang masusunod at kung walang malalabag na batas, kusa na niyang ipapatanggal ang mga matatandang puno na nasa gilid ng kalsada.

Samantala, sa ngayon ay nagpapagaling na ang mga biktimang residente ng Brgy. Imalnod na kinabibilangan ng isang padre de pamilya at tatlong menor de edad.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *