Tinawag ni Senador Christopher Bong Go na ‘thankless job’ ang trabaho ng isang pangulo.
Paliwanag ni Go, nakita niya ito kay Pangulong Rodrigo Duterte na kahit 24-oras nang nagtratrabaho ay wala pa ring humpay ang nakukuha nitong mga batikos mula sa mga kritiko.
Inamin ni Go na napapagod din sila ni Pangulong Duterte subalit agad naman itong napapawi dahil sa ipinapakitang suporta ng publiko.
Bagama’t natutuwa umano siya sa panghihikaya’t ng kanyang mga kapartido sa PDP-Laban, muling iginiit ng mambabatas na wala siyang planong tumakbo sa mas mataas na posisyon sa 2022.
Binigyan diin ni Go na mas nakatutok siya ngayon sa pagtulong sa mga Pilipino para maibsan ang nararamdaman hirap na idinulot ng COVID-19 pandemic.
Naiintindihan naman umano ng Senador ang sentimyento ng kanyang mga kapartido na naghahangad lamang na maipagpatuloy ang mga nasimulang reporma ni Pangulong Duterte katulad ng kampanya laban sa korapsyon, kriminalidad, kampanya laban sa iligal na droga, Build, Build, Build program, at pagpapatuloy ng COVID-19 response.
Nabatid na sa pulong ng PDP-Laban nitong Miyerkules, tila inindorso ni Pangulong Duterte si Go na maging running mate sa pagka-pangulo sa 2022 elections.
