Yuka Saso, hindi nakakaramdam ng pressure sa gitna ng mga expectations sa kaniya bilang US Open champion

Hindi nakakaramdam ng pressure ang reigning US Open $1-million winner na si Yuka Saso matapos nitong makasama ang anim na iba pang golfers sa ika-47 pwesto sa first round ng Olympic women’s golf competition.

Ginanap ang naturang kompetisyon sa Kasumigaseki Country Club, at inaasahang magpapatuloy ang third round ngayong araw.

Ayon kay Yuka, hindi isyu sa kaniya ang expectations ng mga tao dahil ang kaibahan lang naman ay tinatawag na siya bilang “US Open Champion” at hindi na bilang “Yuka Saso”.

Tiniyak ni Yuka na pupunta siya sa kompetisyon para gawin ang lahat ng kaniyang makakaya.

Ipinunto rin niya na masaya siya na nakatrabaho niya si Coach Miko Alejandro at ngayon ay nagsisilbi ito bilang kaniyang caddie.

Inihayag ni Yuka na nakaranas ng heat stroke ang kaniyang caddie na si Lionel Matichuk na dahilan kung bakit kinailangan itong mailabas mula sa kompetisyon.

Matatandaan na napagod ang Canadian na si Matichuk mula sa pagbababad nito sa init sa ginanap na practice round noong Martes, o isang araw bago ang first round.

Si Matichuk ang nagsilbi bilang caddie ni Saso nang magwagi ito sa US Open.