China, nangakong magbibigay ng 2-billion vaccine doses para sa buong mundo

Nangako si Chinese President Xi Jinping na sisikapin ng China na mamahagi ng two billion COVID-19 vaccine doses sa buong mundo ngayong taon, at mag-donate ng $100-million sa international vaccine distribution system na kilala sa pangalang COVAX.

Inilabas ni Xi ang pledge nito sa isang video forum kaugnay sa vaccine cooperation sa gitna ng patuloy na pakikipaglaban ng China sa panibagong outbreak na pinalala ng mas delikadong Delta variant.

Sa ngayon ay na-detect na ang Delta variant sa maraming bahagi ng China na dahilan para magpatupad ito ng mass testing at umakyat ang bilang ng mga bagong kaso nito sa pinakamataas na antas sa loob ng maraming buwan.

Matatandaan na una nang nangako si Xi ng $3-billion para tulungan ang mga developing countries sa paglaban sa COVID-19 sa isinagawang emergency online meeting ng APEC heads of state.

Noong nakaraang linggo ay sinabi ni Chinese foreign ministry spokesman Zhao Lijian na nagawa na ng China na maipamahagi ang mahigit 700-million doses ng bakuna sa iba’t-ibang mga bansa simula nang umpisa ng taon.