‘Window hour scheme’ sa mga provincial bus pinaiimbestigahan sa Kamara

Isinusulong ng tatlong mambabatas sa House of Representatives na maimbestigahan ang window hour scheme para sa mga provincial bus matapos ma-istranded ang maraming biyahero sa mga bus terminal noong nakaraang linggo.

Sa ilalim ng House Resolution No. 2562 na inihain nina Bayan Muna Representatives Eufemia Cullamat, Carlos Zarate, at Ferdinand Gaite, hinihimok ang committee on transportation ng Kamara na pangunahan ang pagsisiyasat sa bagong patakarang ipinatutupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ayon sa mga mambabatas ang window-hour scheme na ipinataw sa mga provincial bus operators ay nagdulot ng labis na abala at pabigat sa libu-libong commuters na umaasa sa pampublikong sasakyan.

Nabatid na batay sa patakaran ng MMDA itinakda ang window hours para sa mga provincial bus mula 10 p.m. hanggang 5 a.m.

Nauna nang sinisi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at ng MMDA sa mga provincial bus operators ang naturang aberya at sinasabing “sinabotahe” at “nang-hostage” ito ng mga pasahero sa pamamagitan ng iba’t ibang interpretasyon sa bagong patakaran.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *