CAMARINES NORTE- Naaresto sa lalawigan Camarines Norte ang isang wanted person mula sa bayan ng Milagros Masbate Linggo ng umaga.
Kinilala lamang ang naarestong personahe sa alyas na “Ron” 26, may kinakasama na tubong Milagros, Masbate at kasalukuyang naninirahan sa Purok 7, Barangay Sta Rosa Norte, Jose Panganiban, Camarines Norte.
Ang mga operatiba ng Paracale Municipal Police Station ang umaresto sa suspek sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Presiding Judge Teofilo Timbago ng Regional Trial Court Branch 48 sa Masbate City.
Nahaharap ang suspek sa kasong 3- counts of rape at ikatlo sa listahan ng Municipal Most Wanted Person sa bayan ng Milagros.
Ayon sa PNP, nag ugat ang kaso laban sa suspek dahil umano sa tatlong ulit na panghahalay nito sa isang menor de edad.
Nangyari ito sa magkakahiwalay na petsa noong Marso 2016 sa Barangay Narangasan, Milagros, Masbate.
Nasa kustodiya ng Paracale MPS ang suspek para i- turn over sa court of origin.
Sa isang pahayag, sinabi ng Camarines Norte Police Provincial Office na hindi nito hahayaan na maging kanlungan ng masasamang loob ang lalawigan.
Hinimok din ng PNP ang publiko na huwag matakot magsumbong upang mahuli ang mga masasamang loob.
