CAMARINES NORTE- Naging maayos sa pangkalahatan ang unang araw ng limited face-to-face classes sa lalawigan ng Camarines Norte.
Ayon sa ilang guro at magulang nakatulong ang ginawang dry- run noong nakalipas na linggo para maihanda ang mga bata sa pagpasok sa eskwelahan makalipas ang dalawang taon.
Sa panayam naman ng Brigada News FM kay Sofio Rieza, Principal ng Daet Elmentary School na isa sa pinakamalaking eskwelahan sa lalawigan, tiniyak nito na mahigpit ang pagpapatupad nila ng health protocols.
Mayroon umanong sinusunod na algorithm ang eskwelahan o step by step process sakaling mayroong magpakita ng sintomas ng COVID- 19.
Sakaling may magpakita aniya ng sintomas ng sakit ay mayroong holding room ang eskwelahan.
Functional din umano ang kanilang school clinic at mayroong registered nurse na namamahala.
Hindi sabay- sabay na pumapasok sa klase ang mga bata at may tinatawag na Set A at Set B kaya iba ang pumapasok sa umaga at iba rin sa hapon upang masigurong nasusunod ang social distancing.
Mayroon din umanong handwashing at tooth brushing facility sa loob ng eskwelahan na mayroong suplay ng tubig.
Ayon pa kay Rieza, handa rin ang physical structure ng mga classroom dahil noon pang isang taon ay nagsimula na silang maghanda para sa pagbabalik ng face-to-face classes.
Samantala, sa unang araw ng implementasyon ng face-to-face classes ay bumisita si Schools Division Supirentendent Nympha Guemo sa ilang eskwelahan.
