Patuloy pa ring binabantayan ang isang low pressure area sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon sa PAGASA, huli itong namataan sa layong 935 kilometro, silangan ng southeastern Mindanao.
Ngayong weekend – inaasahang mananatili ito sa karagatan, kaya naman hindi iniaalis ang posibilidad na mag-develop ito bilang isang ganap na bagyo.
Sakali mang maging tropical depression – ito na ang ika-apat na bagyo at tatawaging Bagyong Dindo.
Sa ngayon, trough ng LPA ang magdadala ng mga pagulan sa Davao Oriental, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Dinagat Islands, Leyte, Southern Leyte, at Eastern Samar.
Samantala, inaasahan ang maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan sa bahagi ng Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Batanes, Babuyan Islands, Zambales, at Bataan bunsod ng southwest monsoon o habagat.
Ito rin ang magpapaulan sa Metro Manila, nalalabing bahagi ng Visayas, at nalalabing bahagi ng Luzon.
Samantala sa nalalabing bahagi naman ng Mindanao – maging handa pa rin sa posibilidad ng mga pag-ulan dahil sa localized thunderstorms.