CAMARINES NORTE- Makakaranas ngayong araw ng siyam na oras na power service interruption ang hindi bababa sa sampung barangay ng Labo at isang barangay ng Jose Panganiban.
Dahil ito sa gagawing relocation ng mga poste na apektado ng road widening project ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ang mga barangay na makakaranas ng pagkawala ng kuryente simula alas 7 ngayong umaga hanggang alas 4 mamayang hapon ay ang Malangcao-basud, Calabasa, Pangpang, Maot, Pag-asa, Daguit, Macogon, Exciban, Submakin, Dumagmang, Sitio Magtaganki sa Bagong Silang 1 at bahagi ng Talobatib sa Labo.
Hindi na kasama ang Brgy. Mahawan-hawan sa scheduled power service interruption taliwas sa naunang anunsyo.
Kasama rin sa mawawalan ng kuryente ay ang Barangay Tamisan sa Jose Panganiban.
Nauna nang sinabi ng Camarines Norte Electric Cooperative na kapag na- relocate na lahat ng poste ng kuryente na apektado ng road widening project ay mababawasan na ang mga brownout.
Sa text message naman ni General Manager Zandro Gestiada nasa 982 lahat ang poste na apektado ng road widening project.
Sa bilang na ito nasa mahigit dalawang daan pa lang nag nirerelocate na mula sa Sta Elena hanggang sa Basud.
Mayroon din umanong problema sa may bahagi ng Bagasbas area at sentro ng Mercedes ganundin sa Daet.
