Bishop Alarcon hinimok ang bawat isa na gamitin ang kapangyarihang taglay para sa pagpili ng mga susunod na lider ng bansa

CAMARINES NORTE- Hinimok ni Diocese of Daet Bishop Rex Andrew Alarcon ang bawat isa na gamitin ang kapangyarihang taglay para pumili ng susunod na lider ng bansa.

Ayon kay Alarcon na siyang Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines- Episcopal Commission on Youth, mayroong tatlong kapangyarihan ang bawat isa para sa matalinong pagboto sa darating na eleksyon.

Una umano ay ang kapangyarihang mangarap para sa isang maganda, makatarungan, mapayapang bansa at masaganang kinabukasan.

Aniya, sa kabila ng tila kawalang pag asa ay hindi dapat tumigil na mangarap para sa ikabubuti ng bayan hindi lang para sa kasalukuyan kundi sa mga susunod na henerasyon.

Read More:  Farmers’ daughter from Bukidnon tribe tops CPSU Batch 2026 graduates with 1.17 GWA

“We do not give up because we continue to dream for our country, ipagpatuloy natin ang mangarap para sa mganda, mabuti, makatarungan, mapayapa at masaganang kinabukasan, para sa atin, para sa mga kapatid natin, para sa mga susunod na henerasyon,” ani Alarcon

Ikalawa ay ang kapangyarihang pumili at sa pagpili ay dapat piliin ang kabutihan kaysa masama, liwanag kaysa kadiliman at pag asa imbes na kawalang pag- asa.

Dagdag pa nito na ang pagpili sa masama ay pag abuso sa kalayaan

Ang ikatlo umano ay ang kapangyarihan ng panalangin at pananalig sa Diyos.

Read More:  Aklan SB member’s home attacked in midnight shooting

Dapat din aniyang piliin ang mga lider na handang magsakripisyo at ialay ang sarili sa paglilingkod sa bayan.

“Choose leaders who are willing to pay the price, if the leader is not willing to pay the price, the followers will be the ones paying the price.”

Hinimok din nito ang mga kabataan na aktibong makilahok sa halalan at maging responsable sa mga ikinikilos at ginagawa.

Ginawa  ng Obispo ang pahayag sa kaniyang homily sa misa para sa mga kabataan at PPCRV volunteers na ginanap sa CBCP chapel nitong Huwebes.