KORONADAL CITY – TATLONG panibagong kaso ng pagnanakaw ang naitala sa lungsod ng Koronadal, makaraang looban ang mga biktima sa kanilang boarding house, dukutan ng cellphone habang natutulog at agawan ng cellphone habang naglalaro ng online games sa kanilang tindahan, ng hindi kilalang mga suspek.
Ayon kina Martin Kayugan, 20 anyos, residente ng Barangay Denlag, Lake Sebu, South Cotabato at Panie Duting, 20 anyos, residente naman ng Barangay Laconon sa bayan ng T’boli, pasado alas 5:00 ng umaga kanina ng mapansin ng mga ito na wala na kanilang dalawang cellphone, wallet at pera, kasama na ang kanilang mga ids, matapos pasukin ng hindi kilalang mga suspek ang kanilang boarding house sa may Purok Tagumpay Barangay Zone II.
Dinukutan naman ng cellphone sa kanyang baywang habang natutulog sa kanyang tinatrabahuang vulcanizing shop sa may Gensan Drive Barangay Zone II, si Francis Mindal, 20 anyos, isang estudyante, residente ng Barangay Lower Maculan, Lake Sebu, South Cotabato.
Habang ang dalawang magkapatid na sina Jerry Occeñola, 11 anyos at Joshua Occeñola, 8 anyos, pareho residente nang Purok La Trinidad, Barangay Zone 1, ay inagawan ng cellphone habang naglalaro ng online game sa loob ng kanilang tindahan sa may Gensan Drive Barangay Zone I.
Sa ngayon umaapela ang mga biktima sa pamamagitan ng himpilan ng Brigada News FM Koronadal sa sinuman na mapagbentahan ng kanilang mga kagamitan na agad ereport sa mga kapulisan upang mahuli ang mga suspek.
