Inaprubahan na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na magre-regulate sa motorcycles-for-hire.
Sa botong 200 affirmative against 1 negative at zero abstention, lusot na sa Mababang Kapulungan ang Houde Bill 10424 na magpapahintulot sa operasyon ng mga motorsiklo bilang “common carriers” para sa transportasyon ng mga pasahero, produkto, liham at parcels.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, kinikilala nito na ang motorcycles-for-hire ay hindi lamang mabisang alternatibo sa mass public transportation kundi maaasahang source ng kabuhayan para sa mga Pilipino.
Layon aniya ng panukala na gawing ligtas, sapat at epektibo ang paggamit ng motorsiklo sa public transport.
Sa ilalim nito ay irerehistro ang motorcycles-for-hire sa Land Transportation Office upang siguruhin ang roadworthiness ng mga naturang sasakyan.
Kapag naisabatas, bibigyan ng kapangyarihan ang LTFRB na i-regulate ang operasyon ng motorcycles-for-hire sa mga lugar na walang digital platforms.
Ngunit ang bilang ng ruta na pahihintulutan ay dapat alinsunod sa local public transport route plan na imumungkahi ng local government unit.
Bukod dito, itatakda ang requirements para sa pagkakaloob ng prangkisa o issuance ng Certificate of Public Convenience tulad ng Proof of Filipino citizenship at financial capacity.