Sunud-sunod na cyberattacks laban sa critical government institutions, paiimbestigahan na

Nanindigan si House Speaker Martin Romualdez na panahon na para panagutin ang mga nasa likod ng sunud-sunod na cyberattacks sa mga kritikal na ahensya ng gobyerno.

Sa kanyang talumpati sa muling pagbubukas ng sesyon sa Kamara, binigyang-diin ni Romualdez ang kahalagahan ng pagharap sa mga cyber threats na nagmula sa loob at labas ng bansa.

Dapat aniyang palakasin ang cybersecurity ng Pilipinas upang maprotektahan hindi lamang ang pamahalaan kundi pati na ang bawat Pilipino.

Paliwanag nito, nararapat na paigtingin ang cybersecurity command at bumalangkas ng agarang panukala upang suportahan ang implementasyon ng National Cybersecurity Plan.

Kinumpirma rin ng Speaker na nakatakdang maglunsad ng imbestigasyon ang Kongreso “in aid of legislation” upang pag-ibayuhin ang cybersecurity defense.

Ngayong hapon ay sisimulang talakayin ng House Joint Committee on Information and Communications Technology and Public Information ang malawakang data breach at leakage sa ilang ahensya ng gobyerno pati na ang Medusa ransomware cyber attack sa PhilHealth na nagkompromiso sa datos ng nasa dalawampung milyong indibidwal.

Mababatid na hindi nakaligtas ang website ng Kamara sa pag-atake noong Oktubre ng nakaraang taon at naulit pa nito lamang Marso na ang layunin ay gawin itong inaccessible sa publiko.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *