Dapat umanong paghandaan ng mga taga-Palawan ang mga posibilidad ng mas malalakas na lindol at tsunami ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Sa paliwanag ni Supervising Science Research Specialist Jeff Perez ng PHIVOLCS, maaring umabot sa intensity 5 hanggang 6 ang posibleng maramdaman na pagyanig sa Palawan kung magkaroon ng malalakas na lindol sa Mindoro, Panay Island at ibang active fault na malapit sa lalawigan.
Aniya, noong taong 1897 ay nakapagtala na ang PHIVOLCS ng dalawang metrong taas na tsunami sa Cuyo Island at Southern Part ng Palawan dahil sa paggalaw ng Sulu trench na posibleng maulit anumang oras.
Dagdag pa nito, mayroong mga Local o blind fault sa katubigan ng Palawan na dahilan ng mga paglindol sa Palawan.
Ang Blind Fault umano ay mga fault line sa ilalim ng lupa at hindi pa nakikita sa surface area.
Samantala, hinikayat ng PHIVOLCS na pagtibayin na ng mga Palaweño ang kanilang mga bahay bilang paghahanda.