SORSOGON CITY – Inumpisahan na ang pagbubuo ng sariling blood bank ng lokal na Red Cross Chapter sa Sorsogon City.
Ito ang ibinalita ng ahensya, para matugunan ang mga pasyenteng nangangailangan na masalinan ng dugo, lalo na kung nasa bingit ng kagipitan.
Nabanggit ang nasabing proyekto kasabay ng pagbisita ni Phil. Red Cross Chairman and CEO, Richard Gordon sa lalawigan magtatanghali kahapon, Pebrero 9.
Sinabi rin niya na aabot na sa higit sa P47M ang naipamahaging tulong ng PRC sa buong lalawigan.
Nais umano ng pamunuan ng Red Cross na mas mapabuti at maging mas malawak ang magiging serbisyo ng ahensya sa mga Sorsoganon.
Ang nabanggit na blood center ay makagagawa ng lahat ng blood products at inaasahang magbubukas para magsilbi sa publiko sa darating na Abril ng kasalukuyang taon.
