CAMARINES NORTE- Nagsanib pwersa ang simbahan at Barangay Council ng Colasi sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte upang matulungan ang mga maliliit na mangingisda sa lugar na nawasak ang bangka dahil sa matinding pagbaha na nangyari noong Oktubre.
Ayon kay Father Pedro Molina, Administrador ng San Nicolas De Tolentino Parish, sa ngayon ay nakapagpaabot na sila ng paunang tulong sa pamamagitan ng pamamahagi ng tig-kakaunting materyales para makagawa ng lambat at gamit sa pag repair ng bangka.
Inisyatibo ito ng parokya at Barangay Council sa pangunguna naman ni Kapitan Joel Aragona na nagsanib pwersa upang makakalap ng tulong para sa mga apektadong mangingisda.



Inisyal na tulong pa lamang daw ito at naghihintay pa sila ng ibang tulong lalo na ng mga materyales sa pag repair o pagawa ng bangka.
Matatandaan na noong Oktubre 29 ng taong kasalukuyan ay nagkaroon ng pagbaha sa nabanggit na lugar dahilan upang maanod ang mga bangka bunsod ng malakas na buhos ng ulan sa kabundukan.
Ang pangyayari ay nagdulot ng pagkawasak ng mga bangka at pagkawala ng mga lambat na ginagamit sa pamamalakaya.
Sa labing apat na mangingisda walo dito ay labis na nangangailangan ng tulong.
Nagsimula ang mga itong mag ayos ng kanilang bangka pero dahil sa kawalan ng kagamitan sa pamamalakaya ay hindi pa rin sila makapagsimula muli ng hanapbuhay.
Photos Courtesy: San Nicolas De Tolentino fb/ Fr. Pedro Molina
