Ibinunyag ni Senator Sonny Angara na walang records sa Bureau of Customs ang dalawang luxury cars na nabili ng ilang opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Inihayag ito ng senador sa gitna ng debate sa Senate plenary kaugnay sa proposed 2022 national budget nang tanungin ni Senator Richard Gordon ang tungkol sa impormasyon ng BOC kaugnay sa mga mamahaling sasakyan ng Pharmally officials.
Ayon kay Angara, base ito sa mga natanggap nilang impormasyon mula kay Commissioner Rey Guerrero.
Ipinunto anya ni Guerrero na sumailalim sa legal na proseso at nabayaran ang taxes at duties ng lahat ng mga sasakyan ng Pharmally officials maliban sa 2021 Porsche 911 Turbo S at sa 2021 Lexus RCF.
Matatandaan noong September 17 ay isiniwalat ni Gordon na nakakuha si Pharmally corporate secretary Mohit Dargani ng Porsche 911 Turbo S habang nakatanggap naman ang director ng kompanya na si Linconn Ong ng Lexus RCF.
