Umaabot na sa kabuuang 378, 518 ang kabuuang bilang ng mga registered voters sa lalawigan ng Camarines Norte.
Batay ito sa pinakahuling Election Registration Board (ERB) hearing na ginanap noong nakaraang linggo.
Nadagdagan ito ng nasa 19, 929 mula nang huling ERB hearing noong Hulyo.
Inaasahang madagdagan pa ito dahil sa mga nagparehistro sa extended voter registration na nagsimula noong October 11 na magtatapos naman ngayong araw.
Sa Nobyembre muling magkakaroon ng ERB hearing para isapinal ang listahan ng registered voters sa May 2022, elections.
Wala namang balak na palawigin pa ng Comelec ang oras ng pagpaparehistro ngayong huling araw ng voter registration.
Ayon kay Election Officer III Annelyn Abanes ng Comelec Speaker’s Bureau, ang mga tatanggapin na lang ay ang makakaabot ng bago o hanggang eksaktong alas 5 ng hapon.
Marami naman ang naghabol na mga nagpaparehistro sa mga huling araw ng extended voter registration.
Kung maalala ay nagtapos na sana ito noong Setyembre 30 pero pinalawig ng Comelec dahil na rin sa hirit ng iba’t- ibang sektor.