Coast Guard, pinag-iingat ang mga mangingisda ngayong nagsimula na ang Amihan season

Pinag- iingat ng Philippine Coast Guard ang mga mangingisda dito sa lalawigan ng Camarines Norte makaraang ideklara ngayong linggo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na opisyal nang nagsimula ang Amihan season.

Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni Chief Petty Officer Mario Allan Rosales, substation Commander ng Coast Guard Mercedes na kapag ganitong panahon ay madalas na malakas ang hangin at mataas ang alon.

Paliwanag ni Rosales na nakaharap kasi sa Pacific Ocean lalo na ang Mercedes kaya malakas talaga ang dagat kapag ganitong panahon.

Magiging kalmada naman aniya ang sitwasyon sa may bahagi ng Pasacao at Masbate na malakas naman kapag umiiral ang hanging habagat.

“Kasi po ang Mercedes eh, naka- face sa  pacific ocean, so yung pacific ocean, alam naman natin na malakas ang dagat niyan kaya pag yung amihan umiiral, yung hangin kasi galing sa  pacific ocean kaya malakas talaga dito sa side natin, ngayon naman sa ibang side naman tulad sa Pasacao o sa kabila, Masbate kalmada sila ngayon kasi hindi sila inaabot ng amihan, pero pag habagat naman sila naman ang tinatamaan ng malakas, dito naman sa atin ang kalmada,” ani Rosales.

Kaugnay nito ay patuloy umano ang coastal security patrol at hindi lang sila nakatutok sa iisang lugar upang maabisuhan ang mga maliliit na mangingisda.

Nag abiso rin ito sa mga mangingisda na maging mapagmatyag at palaging makinig sa ulat panahon lalo na kapag ganitong amihan.

Read More:  After armed clash in Negros town, civilian taken into custody, then released

“Sa mga mangingisda po natin, sana po makinig tayo lagi sa balita, sa ulat panahon at saka sa mga paalala ng mga kinauukulan lalong lalo na pagka ganitong amihan.”

Ang hanging amihan o northeast monsoon ay malamig at tuyong hangin na galing sa Siberia at nararamdaman sa Pilipinas tuwing bermonths.

May kasama rin itong  mahihinang ulan pero dahil sa La Niña ay posibleng bumuhos ang mga malalakas na ulan sa ilang bahagi ng bansa kaya maghanda raw sa posibleng pagbaha o paguho ng lupa.

Ayon pa sa Pagasa asahan  na sa mga susunod na araw at linggo ay unti- unti itong bababa at posibleng maranasan dito sa Southern Luzon area.

Asahan na rin ang papalamig na simoy ng hangin sa mga susunod na buwan.