Aarangkada na sa August 15 ang joint hearing ng “Quad Committee” na sisiyasat sa mga isyu ng umano’y extrajudicial killings sa ilalim ng administrasyong Duterte, kampanya kontra ilegal na droga at ilegal na aktibidad sangkot ang Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
Pamumunuan ito ng House Committees on Public Accounts, Human Rights, Public Order and Safety at Dangerous Drugs.
Sa pulong balitaan sa Kamara, sinabi ni Human Rights Committee Chairman at Manila 6th District Representative Bienvenido Abante Jr. na iimbitahan nila sa pagdinig si dating Pangulong Rodrigo Duterte gayundin ang mga opisyal na may kaugnayan sa mga nabanggit na isyu.
Kabilang na rito sina dating Presidential Spokesperson Harry Roque at Senador Bato Dela Rosa na noo’y nagsilbing hepe ng Philippine National Police.
Iginiit ni Abante na bukod sa mabubuong “pieces of legislation” mula sa imbestigasyon, nais niyang mapanagot at makasuhan ang mga sangkot na indibidwal sa Department of Justice, Ombudsman o alin mang proper court.
Idinagdag pa ni Dangerous Drugs Committee Chairman Robert Ace Barbers na sa sandaling makakalap na sila ng sapat na impormasyon mula sa malawakang imbestigasyon ay agad na isusulong ang “common objective” ng mga komite na magpasa ng remedial legislation.