BICOL – HINDI inaaalis ng National Meat Inspection Service o NMIS ang posibilidad ang muling pamamayagpag ng bentahan ng mga double dead na karne o “botcha” ngayong papalapit na ang holiday season.
Ayon sa NMIS-Bicol, ang mga ito ay hindi na dumadaan sa meat inspection at karaniwang ibinebenta sa mas mababang presyo kung kayat maraming mga mamimili ang madaling mahikayat na bumili nito.
Para makaiwas na makabili ng botcha, dapat umanong tiyakin ng consumers na ang bibilhing karne ay mayroong meat inspection certificate na inisyu ng kanilang ahensya, bilang patunay na ito ay mula sa lisensyadong katayan at ligtas na kainin ng tao.
Mas makabubuti rin umano kung magtutungo ang mamimili sa bilihan ng karne upang personal na masuri ang kalinisan at handling practices ng tindahan.
Paliwanag pa ng NMIS, kapag tama ang pagkaka imbak at temperatura, maaaring tumagal at manatiling ‘consumable’ ang karneng ng hanggang dalawang taon.
May kaakibat lamang umanong peligro ang pagbili ng mga home-made processed foods dahil mahirap matiyak ang tunay na expiry at production date nito.
Mayroon din kasi umanong mga sellers na gusto lamang na kumita kung kaya’t dapat na mag doble ingat at maging mapanuri ang mga consumers, at kung sakali man umanong nagdududa sa binili ay huwag na itong ikonsumo upang hindi rin malagay sa alanganin ang kalusugan ng pamilya.