KORONADAL CITY- THINK before you click. Ito ang paalala ni Police Senior Master Sergeant Edwin Arroyo, investigator ng Philippine National Police o PNP- Regional Anti-Cybercrime Unit Region 12 sa mga netizens upang makaiwas sa paglabag sa cybercrime law at hindi mabiktima ng cybercrime.
Ayon kay Arroyo na hindi dapat dalhin sa social media ang galit sa isang tao katulad na lamang ng pagpopost at pagpapahiya sa Facebook dahil ito ay makakapagpalala lamang sa sitwasyon at posible pang makasuhan ang nag-post.
Kailangan din aniyang mag-ingat at isipin munang mabuti ang ipo-post at isi-share sa mga social media platforms lalo’t maraming mga sindikato ang nagkalat sa internet.
Pinayuhan din ni Arroyo ang mga magulang na i-check ang mga online activities ng kanilang mga anak dahil sa alarming na kaso ng child pornography kung saan ibinubugaw o pinagkakakitaan ng mga criminal ang mga hubad na larawan ng mga kabataan.
