Labis na ikinatuwa ng mga mamimili ang kasalukuyang pagbaba ng presyo ng sibuyas sa ilang supermarket sa lalawigan ng Albay.
Matatandaang ikinabigla ng mga mamimili ang biglaang pagtaas ng presyo ng sibuyas sa merkado.
Ito ay nagsimulang tumaas nito lamang buwan ng Disyembre, kung saan mula sa PHP450 ay naging PHP550 bawat kilo; bago naman pumasok ang bagong taon, pumalo pa sa PHP750-PHP800 ang kilo nito.
Sa ngayon, bumaba sa PHP199 kada kilo ang sibuyas sa ilang supermarket sa lalawigan.
Nagpahayag naman ng pagkadismaya ang ilang mga mamimili matapos malamang PHP300 pa rin ang kilo ng sibuyas sa pampublikong pamilihan.
Daing ng ilan, mas mataas pa raw ang kilo ng sibuyas sa public market kumpara sa mga supermarket.
Sa panayam naman ng 91.5 Brigada News FM Legazpi kay alyas “Cidel”, tindera ng sibuyas sa public market, kumpara raw sa PHP500 kada kilo noon, hindi hamak na mas bumaba ang presyo nila ngayon.
Iginiit pa niyang wala rin naman silang magagawa sa paggalaw ng presyo at kailangan na lamang sumunod.