Kaya umanong makamit ng Pilipinas ang population protection mula sa COVID-19 bago mag pasko ngayong taon kung patataasin ang vaccination rate sa 350,000 kada araw.
Ayon sa ulat ng OCTA Research group, kung dodoblehin ang current vaccination average ng bansa na 195,000 kada araw, mahigit 60 milyon ang matuturukan laban sa COVID-19 pagdating ng November 15, sapat para makamit ng bansa ang population protection bago mag pasko.
Batay sa grupo, ang target para sa population protection o COVID-19 containment ay bakunahan ang 40 hanggang 50 percent ng populasyon lalo na sa mga priority areas.
Una nang sinabi ng gobyerno na target nito ang population protection sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal pagdating ng November 27, 2021.
Kumpiyansa si Metropolitan Manila Development Authority chairman Benhur Abalos na makakamit ito ng National Capital Region (NCR) dahil inaasahang may darating pang karagdagang 15 milyong doses ng COVID-19 vaccine sa Agosto.
Sa ngayon, 8.4 milyong doses na ng COVID-19 ang naturok sa bansa; 6.2 milyon ang unang dose habang 2.1 milyon ang ikalawang dose.
Mababatid na sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na ang goal ng gobyerno ay magkaroon ng mas magandang pasko ang mga Pilipino ngayong taon.
