Hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga miyembro ng rebeldeng grupo gaya ng New People’s Army na magbalik loob sa batas, kasabay ng pagtitiyak sa suporta ng gobyerno para sa pagsisimula ng kanilang panibagong buhay bilang reintegrated members ng lipunan.
Sa panayam kay Go sa pamamahagi ng tulong sa mga displaced workers sa Tupi, South Cotabato noong June 22, tiniyak ni Go sa mga susukong rebelde na siya at si Pangulong Rodrigo Duterte ay mainit na tatanggapin ang mga ito.
“Ako, bilang inyong Senador at bilang inyong public servant at bilang Pilipino, alam n’yo ayaw ko pong nagpapatayan ang Pilipino kapwa Pilipino. ‘Pag may namamatay na sundalo, sumasakit ang dibdib namin ni Pangulong Duterte,” giit ni Go.
Mababatid na ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict ay binuo sa pamamagitan ng Executive Order No. 70 noong 2018, kung saan ini-institutionalize nito ang whole-of-nation approach para makamit ang inclusive at sustainable peace sa pamamagitan ng pagbubuo ng NTF-ELCAC at pag-adopt sa National Peace Framework.
“Tandaan natin, mayro’n din pong mga pamilya ang mga ‘yan na nasasaktan. Kaya sa mga rebelde, mayro’n naman pong magagandang programa ang ating gobyerno,” pagtitiyak ng senador.
“May pinirmahan na po si Pangulong Duterte to encourage po na magbalik loob na po kayo sa gobyerno. Bibigyan ho kayo ng livelihood, bibigyan ho kayo ng assistance. Kung sa tingin naman po ninyo na makakatulong po ito sa inyo, magiging tahimik ang inyong buhay,” pagbabahagi pa nito.
Batay sa EO 70, ang whole-of-nation approach ay tumutugon sa root causes ng insurgencies, internal disturbances at tensions, at iba pang armed conflicts at banta sa pamamagitan ng pagpa-prayuridad at pag-harmonize sa delivery ng basic services at social development packages ng gobyerno.
