Hindi pa napapasok ng Philippine National Police (PNP) ang isa umanong underground bunker sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound na pinaniniwalaang pinagtataguan daw nina Apollo Quiboloy at iba pa nitong kapwa-akusado.
Kung matatandaan, isang linggo na ang nakalipas nang ikasa ng mga pulis ang pagsakalay sa compound – pero hanggang sa ngayon ay bigo pa rin silang hanapin ang televangelist.
Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, hindi pa makapasok sa underground facility ang mga otoridad dahil malalim ang pagkakahukay dito at hindi pa nahahanap ang mga entry point sa bunker.
Ang tangi pa lang daw nilang na-inspect ay ‘yung mga lihim na lagusan sa mga gusali.
Sa mga nakalap daw nilang impormasyon, sinabi ni Fajardo na ang nasabing pasilidad sa ilalim ng lupa ay ginamit daw ni Quiboloy para magtago sa mga otoridad sakaling arestuhin ito.
Sa kasalukuyan, gumagamit na ng ground-penetrating radar at iba pang high-tech na kagamitan ang kapulisan upang mahanap ang KOJC leader.